MANILA, Philippines - Taliwas sa inaasahan, mas mapapaaga ang pagbabalik aksyon ni B-MEG Derby Ace forward Marc Pingris sa dahilang hindi na niya kailangang sumailalim pa sa operasyon at sa halip sasailalim na lamang siya sa rehabilitation upang ayusin ang kanyang muscle tear.
Ayon kay PBA board chairman Rene Pardo, tiniyak ng Derby Ace na makakabalik sa aksyon si Pingris sa darating na Disyembre.
At ang isa pang magandang balita mula sa Llamados ay ang matagumpay na operasyon na isinagawa sa kanilang main man na si James Yap, upang alisin ang polyp sa loob ng kanyang ilong.
Isinagawa ang nasabing operasyon sa St. Luke’s Hospital nitong Biyernes at nakatakda namang lumabas si Yap ngayong araw.
Sina Yap at Don Allado ay nakatakdang lumagda ng kani-kanilang panibagong kontrata, ayon pa kay Pardo. Si Yap ay makakauha ng P12.6 milyon sa loob ng tatlong taon, habang si Allado ay pipirma ng isang taong kontrata.
At sa mga kaganapang ito, nakatakdang magpulong ang team management at coaching staff ngayong araw upang isapormal na ang kanilang line-up para sa 2010-11 PBA Philippine Cup na magbubukas sa October 3.
“We still have one slot left open. We’ll discuss who will take that spot,” dagdag pa ni Pardo.
Tanging ang beteranong manlalaro na si Rommel Adducul na lamang ang hindi pa nakakapirma ng kontrata.
Nagmula ang magandang balita na hindi na kailangang operahan si Pingris mula sa tanyag na Kerlan Jobe Clinic sa Los Angeles, California.
“The doctors discovered a tear, but it’s not that serious. No operation is needed,” wika pa ni Pardo.