Orcollo babawi sa 10th Predator 10-Ball Championship
MANILA, Philippines - Makaasang buhos ang ipakikitang paglalaro ni Dennis Orcollo sa paglarga ng 10th Predator 10-ball Championship mula Setyembre 15 hanggang 18 sa SM Noth Edsa.
Si Orcollo ang siyang nagdedepensang kampeon ng torneo nang kanyang talunin si Ralf Souquet ng Germany sa race to eight finals, 8-3.
Bukod sa matagumpay na pagdepensa sa hawak na titulo, nais ding manalo ni Orcollo sa harap ng mga kababayan upang mapawi ang kabiguang inabot nila ni Roberto Gomez sa kamay nina Fu Jian-bo at Li He-wen ng China sa finals ng 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool.
“Determinado akong manalo rito. Mahirap naman tiyakin pero focus ako at gagawin ang lahat ng makakaya para manalo. Hindi lamang ako iyan kungdi pati ang ibang mga Pilipino na kasali,” wika ni Orcollo.
Sa pagbabalik tanaw niya sa naganap na labanan sa World Cup of Pool, sinabi nito na kontento naman siya sa kanilang ipinakita pero aminado rin na nagkumpiyansa sila ni Gomez papasok sa race to 10 finals.
Tumaas ang kumpiyansa nila dahil nalusutan nila sina Chang Jung-lin at Ko Pin-yi ng Chinese Taipei, 9-8, sa semifinals.
Nakatuon na kasi ang kanilang isipan na ang Taipei ang makakaharap nila sa Finals kaya’t positibo ang kanilang pananaw na madaling malulusutan ang Chinese pair.
Pero mas matibay ang ipinakita nina Fu at Li nang umararo ng walong sunod na racks para sa 9-1 kalamangan bago tinapos ang laro sa 10-5 iskor.
Ang pangyayari ay nalinya kina Fu at Li kasama sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante bilang mga double champion ng torneo.
Si Bustamante ay maglalaro rin bukod kina Gomez at Ronato Alcano habang ang mga pambato sa kababaihan na sina Rubilen Amit at Irish Ranola ay naimbitahan din upang mapalaban sa mga bigating dayuhang pool players sa mundo.
- Latest
- Trending