MANILA, Philippines - Isinapormal na ng Adamson University at ng San Sebastian College-Recoletos ang kanilang kauna-unahang paghaharap sa Finals matapos nilang tapusin ang kani-kanilang serye sa Game Two ng best-of-three semifinals ng ikalawang conference ng Saheky’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Tinuldukan ng Lady Falcons ang kanilang serye matapos durugin ang Lyceum sa loob lamang ng tatlong sets, 25-19, 25-17, 25-12 habang naitakas naman ng Lady Stags ang series clinching victory kontra Far Eastern University sa loob ng limang umaatikabong sets, 20-25, 25-22, 20-25, 25-19 at 15-11.
Ang three-time Best Blocker at guest player na si Michelle Laborte na dating lumaro sa University of St. La Salle ang bumandera sa pag-entra ng bataan ni coach Minerva Dulce-Pante sa kanilang ikatlong Finals appearance sa kanyang tiniradang 15 puntos kabilang ang anim na blocks habang nag-ambag naman ang mainstays na sina Angela Benting at Pau Soriano ng 13 at 11 puntos.
Tumipa naman ng tig-12 puntos ang tambalan nila Mary Jean Balse at Dahlia Cruz para pangunahan ang tropa ni Coach Emil Lontoc.
“Tiwala ako sa mga bata ko”, ani Adamson mentor Minerva Dulce Pante, “Yung composition ng mga tao, malalim yung bench ko, lahat ng ipasok ko magaling”.
Pinagbidahan naman ni Thai import Jang Bualee, ang tanging manlalaro na ginawaran ng Finals MVP mula sa losing team, ang ikapitong beses na pagtuntong ng koponan ni Coach Roger Gorayeb sa kanyang inilistang 25 puntos habang ang conference MVP naman ng unang conference ng season na ito na si Suzanne Roces ay nagdagdag ng 23 puntos at si mainstay Joy Benito naman ay may 14.
Nanguna para sa Nes Pamilar-coached FEU squad si guest player Michelle Carolino na mayroong 24 puntos kabilang ang apat na blocks habang may 17 naman si Rachel Anne Daquis at 16 si Cherry Mae Vivas.