MANILA, Philippines - Bihira sa isang player na kapag ipinasok ng kanyang coach ay awtomatikong magbibigay ng puntos.
At masuwerte ang San Beda College sa pagkakaroon ng isang veteran guard na kagaya ni Garvo Lanete.
Si Lanete ang gumiya sa Red Lions sa kanilang pang 12 sunod na arangkada para patuloy na dominahin ang 86th NCAA men’s basketball competition.
Umiskor ang 21-anyos na 4th year guard ng personal season-high 30 points, 13 rito ay kanyang hinugot sa fourth quarter, para igiya ang San Beda sa 90-78 paggupo sa Mapua noong Miyerkules.
At dahilan rito, siya ang napili bilang Accel/FilOil NCAA Press Corps Player of the Week na inihahandog ng Gatorade at Terrilicious Meat Products.
“He played a monster game,” sabi ni Red Lions’ head coach Frankie Lim kay Lanete na tumanggap ng kanyang ikalawang POW award ngayong NCAA season.
Nang mapababa ng Cardinals sa pito ang kanilang agwat sa Red Lions sa huling walong minuto sa final canto, limang sunod na puntos ang kinuha ni Lanete para sindihan ang isang 11-2 atake patungo sa kanilang panalo.
“Pamatay-sunog, that’s what Garvo is,” dagdag ni Lim.
Ang panalo ang naglapit sa San Beda para sa isang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four at apat na panalo ang layo para sa pagwalis sa eliminasyon at awtomatikong makapasok sa best-of-three finals series.
Tinalo ni Lanete para sa POW award sina Nate Matute ng Jose Rizal University, Kristoffer Alas ng Letran at Calvin Abueva ng nagdedepensang San Sebastian.