Orcollo, Gomez sa semis na

MANILA, Philippines - Hindi pa natatapos ang ratsada nina Dennis Orcollo at Robert Gomez.

Pinulbos nina Orcollo at Gomez sina Mika Immonen at Markus Juva ng Finland, 9-1, para angkinin ang ikaapat na semifinals ticket sa 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool kagabi sa Midtown Wing ng Robinson’s Place sa Ermita, Manila.

“Siguro breaks of the game lang,” sabi nina Gomez at Orcollo, ang third-seeded team sa torneo.

“Sana manalo ulit kami sa semifinals,” pahayag naman ni Orcollo na umaasang makukuha ang kanilang World Cup title.

Sina Orcollo at Gomez na lamang ang nagdadala sa laban ng Pilipinas matapos masibak ang nagdedepensa sa titulong sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante noong Biyernes.

Natalo sina Reyes at Bustamante kina Ricky Yang at Muhammad Zulfikri ng Indonesia, 6-8, sa Round of 16.

Makakatapat nina Orcollo at Gomez sa semis nga­yong gabi sina Ko Pin-Yi at Chang Jung-Lin ng Taiwan na gumiba kina Radoslaw Babica at Mariusz Skoneczny ng Polland, 9-5.

Sa isa pang laro, tinalo nina Ralf Souquet at Oliver Ortmann ng Germany sina Stephan Cohen at Francois Cottance ng France, 9-7.

Matapos kunin nina Cohen at Cottance ang 4-3 lamang, tinumbok nina Souquet at Ortmann ang sumunod na tatlong lamesa upang agawin ang unahan sa 6-4.

“The French team might be a little under-estimated but Stephan Cohen won a 14.1 world title and Francois Cottance is very well known on the Euro Tour and a regular there,” wika ni Souquet sa mga Frenchmen.

Makakaharap nina Souquet at Ortmann sa semis sina Fu Jianbo at Li Hewen ng China na umiskor ng 9-3 panalo kina Yang at Zulfikri.  

Ang mananalo sa torneong ito ay magbubulsa ng $60,000 dollar.

Show comments