Belen, Daquis 'di sigurado sa Game 2

MANILA, Philippines - Dalawang mahalagang piyesa mula sa San Sebastian College-Recoletos at Far Eastern University ang wala pa ring kasiguruhan kung makakapaglaro sa Game Two ng kanilang best-of-three series sa Final Four ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan bukas.

Ang una ay si Jennelyn Belen, ang top setter ng Lady Stags na isinugod sa ospital matapos makaranas ng pananakit ng sikmura. Pinayuhan si Belen na magpahinga sa loob ng limang araw, bagay na naglagay sa alanganin sa kanyang paglalaro sa Linggo.

Sa pagkawala ni Belen, ginamit ni SSC coach Ro­ger Gorayeb si hitter Joy Benito bilang setter ng koponan at si Thai import Jeng Bualee ang umaagapay sa kanya sa pag-se-set.

Nasa parehas na sitwasyon din ang Lady Tamaraws matapos na hindi rin makapaglaro ang kanilang top scorer na si Rachel Anne Daquis na nagtamo ng ankle injury habang nag-e-ensayo.

“Hindi kami sigurado kung makakalaro si Rachel sa Game Two pero gagawin namin ang lahat ng makakaya namin para manalo” wika ni Nes Pamilar, ang head tactician ng FEU.

Show comments