Weinstein pumirma na sa Bolts

MANILA, Philippines - Matapos ang ilang beses na panliligaw, ‘napasagot’ na rin ng Meralco si Fil-Am point guard Shawn Weins­tein.

Isang two-year contract ang pinirmahan ni Weinstein na makakatuwang nina Fil-Am hris Ross at Pong Escobal sa backcourt ng Bolts para sa darating na 36th season ng Philippine Basketball Association (PBA).

Ang 6-foot-1 na produkto ng San Diego State at St. Edwards University sa US NCAA, ay isa sa apat na rookies na hinugot ni Meralco head coach Ryan Gregorio mula sa nakaraang 2010 PBA Rookie Draft.

Nanggaling rin sa Israel league si Weinstein kung saan niya nakalaro si Derby Ace import Tony Wa­sham.

Nakalaro si Weinstein sa San Diego State Aztecs mula sa isang walk-in tryout para manguna sa Peninsula High sa Rolling Hills, California.

Naglista si Weinstein ng average na 28.5 points upang tulungan ang Peninsula High Panthers sa sta­te playoffs.

Sa kanyang senior year, nagposte siya ng mga ave­rages na 5.8 rebounds, 4.7 assists at 3.1 steals.

Bukod kay Weinstein, nakapirma na rin ng isang three-year contract si Fil-Am forward Jay Anthony para sa Powerade. 

Show comments