Exciting na pagbabago sa PBA
Kayod kalabaw agad ang bagong Commissioner ng Philippine Basketball Association na si Chito Salud. At totoo nga sa kanyang mga ipinangako, maraming reporma ang kanyang gagawin upang mas maging exciting ang professional league.
Ibinalik ni Salud sa tatlo ang mga komperensya sa liga. Noon kasing panahon ni Noli Eala at Sonny Barrios ay binawasan ang mga komperensya, at ginawang dalawa na lamang dahil na rin sa mababang kita ng liga. Noon din kasi ay kasagsagan ng pinansyal krisis na bumalot sa halos lahat ng bansa sa daigdig.
Pinaigsi rin ni Salud ang bawat komperensya. Ito ay ay upang maaakomoda ang pagbabago sa tatlong komperensya at mapadali ang laban.
Hihigpitan din ni Salud ang reperi. Mas mainam ito dahil na rin sa marami ang nagrereklamo sa mga koponan na hindi maganda ang tawag ng ilang reperi. Isang suhestiyon kay Salud: magkaroon ng palagiang training sa mga gustong maging reperi at magkaroon din ng pool of referees.
Hahayaan din ng PBA na laruin ng player ang nakagawian na niyang estilo. May mga manlalaro kasi na hindi gaaanong maging kompetitibo dahil na rin sa natatago ang estilo ng laro nito na nasisikil ng mga regulasyon ng PBA at ng kanilang koponan. Tama lamang na hayaan lang maglaro ang player at bawasan ang ang mga hindi dapat na tawag ng reperi para talagang lumabas ang tunay na ganda ng laro.
Kung minsan wala sa ayos ang sipol ng mga reperi kaya nakakagulo sa laro. Nawawala ang momentum ng mga player.
Kung magkakaganito, aba e kikinang ang mga tunay na mahuhusay na player.
Daragdagan din ng PBA ang komperensyang may mga import upang makaakit at mas maging exciting ang laro.
Noon pa man ay hindi na ako sang-ayon na gawin nilang dalawa lang ang kumperensiya. Sayang kasi. Ang kinakailangan lamang naman ay gawing mas exciting ang bawat laro.
Maging ang pagtawag ng Grand Slam champion ay medyo saliwa rin. Sa pagkakaalam ko kasi tatlo ang korona para tawaging Grand Slam champion.
Inaasahan natin na ang mga pagbabagong ito ay makahikayat sa mga mahihilig sa basketball na manood at pumunta sa mga venues para naman tumaas ang ticket sales ng PBA na ilang taon na rin namang nanlalamya.
- Latest
- Trending