Mixed Martial Arts gustong subukan ni Pacman
MANILA, Philippines - Kung hindi matuloy ang pinaplanong mega fight ni Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa hinaharap, may ibang contact sport na puwedeng tingnan ang kauna-unahang seven division world champion para maipakita ang angking galing sa pagbo-boxing.
Ang sport na ito ay ang Mixed Martial Arts na kung saan mismong si Pacquiao ay nagsabi na nais din niyang masubok ito sa hinaharap kung pagbibigyan ng kanyang promoter na Top Rank.
“I want to but my promoters don’t want me to fight,” wika ni Pacquiao nang makuhanan ng opinyon sa lumalaganap na aksyon sa MMA.
Kung mapagbibigyan ay malugod naman siyang tatanggapin sa nasabing contact sport at isa sa nais na masukat agad ang husay ng Pambansang kamao ay si Karl James Noons.
Ang 27-anyos na 5’11 na si Noons ay hindi lamang bihasa sa MMA sa kanyang 10-2 panalo-talo karta kundi isa rin siyang boksingero at may 11-2 record kasama ang 5 knockouts.
Dati siyang alaga ni Gary Shaw at ngayon ay kabilang sa Strikeforce at kumakampanya sa lightweight division.
Sa panayam kay Noons ni Percy Crawford, sinabi nito na handa niyang harapin si Pacquiao sa MMA o sa boxing ring kung ano ang nanaisin ng Pambansang kamao.
“I would love to welcome Pacquiao to the MMA. It would be an ideal situation for him because I don’t take guys down to the ground,” wika ni Noons.
Idinagdag pa nito na nauna na siyang nagpahayag ng pagnanais na makasukatan si Pacquiao sa isang boxing match at ang alok na ito ay naiparating na niya sa humahawak rito.
Sa ngayon ay naghahanda si Pacquiao sa laban nila ni Antonio Margarito sa Nobyembre 13 para sa bakanteng WBC junior middleweight division sa Cowboy’s Stadium sa Texas.
Kung manalo uli si Pacquiao ay maisusulong niya sa walo ang hawak na world titles sa magkakaibang dibisyon at maaaring maghanap na siya ng bagong hamon na maaari niyang makita kung pumasok siya sa MMA.
- Latest
- Trending


















