Dobleng panalo sa Titans
MANILA, Philippines - Doble ang selebrasyong ginawa ng AMA Computer University matapos silang magrehistro ng dalawang tagumpay kahapon sa men’s at junior’s division ng 10th edisyon ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa STI Gym sa Bonifacio Global City.
Pinadapa ng Titans ang Lyceum of Subic Bay, 86-76 upang maging pang-pitong sa walong koponan na uusad sa ikalawang round ng torneo habang ang Young Titans naman ay nagtagumpay kontra University of Makati, 88-61 upang angkinin ang ikaanim at huling puwesto para sa junior’s division.
Tumipa ng 17 puntos at 13 rebounds ang dating UST reserve na si Mark Mangalindan para pamunuan ang Titans na minamanduhan ni Jhune Golosinda.
Nagdagdag ng 16 puntos si Jonathan Ibarra at mayroong 13 puntos si Raymund Alvarado para sa AMA na nag-aasam na naman ng isa pang titulo.
Ang kabiguang ito ng Lyceum of Subic Bay ang naging dahilan upang hindi sila makausad sa ikalawang round ng bakbakan sa unang pagkakataon magmula nang lumahok sa torneo noong 2008.
Sa iba pang laro, dinurog ng STI Colleges ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasay, 92-44 habang pinayukod naman ng Informatics International Colleges ang nagtatanggol na San Sebastian College- Cavite, 67-57.
Pinagbidahan ni Hassed Gabo ang atake ng Olympians ni Vic Ycasiano sa kanyang tinalang 12 puntos.
Tinapos ng STI ang kanilang kampanya sa eliminations sa 9-2 kartada upang sundan ang five-time titlists University of Manila sa second round sa 12-team tourney na ito na inorganisa ni Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare College-Caloocan.
- Latest
- Trending