So, Laylo nakabangon
MANILA, Philippines - Dalawang magandang panalo ang hinugot nina GM’s Wesley So at Darwin Laylo sa ikaanim na round ng torneong nagbibigay pugay para sa kauna-unahang FIDE President na si Florencio Campomanes upang mapanatiling buhay ang tsansa ng bansa nitong Martes ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Isinantabi ng tubong Bacoor, Cavite na si So ang kanyang kabiguan sa ikalimang set kay Vietnamese GM Le Quang Liem upang talunin ang kababayang si Oliver Barbosa para sa 4.5 puntos sa apat na panalo at tig-isang talo at tabla sa chess tourney na ito na nilahukan ng 72 manlalaro mula sa 14 bansa.
Nakakuha naman ng upset victory si Laylo kontra sa fifth-seeded na si Indian GM Chanda Sandipan para manatiling buhay ang tsansa para sa US$ 10,000 na pot money ng naturang patimpalak.
“With still three rounds left, it’s still anybody’s race,” ani So na nagtala ng magandang performance sa Biel Young GM’s Tournament sa Biel Switzerland at sa Rising Stars Versus Experience sa Wijk aan Zee sa Netherlands.
Ang magkadikit na tagumpay nila So at Laylo ang nagbigay sa kanila ng puwesto sa eight-way tie para sa ikalawa hanggang ika-sampung puwesto na mayroong 4.5 puntos, naghahabol lamang sila ng kalahating puntos sa likuran ng nangungunang si 11th seeded GM Zhao Jun ng China may tatlong rounds pa ang nalalabi.
Pinanatili naman ni Zhao, isa sa pitong Intsik na chess players na kalahok ang kanyang impresibong laro matapos padapain ang kababayang si GM Li Chao para sa 5.5 puntos mula sa limang talo at isang tabla.
- Latest
- Trending