MANILA, Philippines - Ang lahat ng nagkamali ay nararapat lamang na bigyan pa ng isang pagkakataon.
Ito ang paniniwala ni Manny Pacquiao matapos bigyan ng tsansa si Mexican Antonio Margarito na makalaban siya para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight crown sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Matatandaang napatawan ang Mexican ng isang one-year ban ng California State Athletic Commission (CSAC) matapos mapatunayang gumamit ng ‘plaster-like substance’ sa kanyang handwraps sa pagkatalo kay Sugar Shane Mosley noong Enero ng 2009.
Sa kabila nito, sinabi ng Filipino world seven-division champion na dapat pa ring bigyan ng bagong pagkakataon si Margarito.
“He is just making alibis but it’s unfair to him that we don’t give him another chance. He badly wants to fight again and to entertain people,” wika ng 31-anyos na si Pacquiao, nagdadala ng 51-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 knockouts.
Idinagdag pa ni Pacman na hindi niya iniintindi ang naturang pandaraya ni Margarito (38-6-0, 27 KOs) para sa hinahangad niyang pang walong boxing title sa walong magkakaibang weight divisions.
Bagamat ibinasura ng CSAC ang kanyang apela na muling mabigyan ng boxing license, binigyan naman si Margarito ng lisensya ng Texas.
Isang one-year ban rin ang ipinataw ng CSAC sa trainer ni Margarito na si Javier Capetillo, pinalitan ni Roberto Garcia na umaagapay kay Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.