Jeffries lalaro na lang sa RP Patriots

MANILA, Philippines - Mabibigyan ng pagkakataon ang Fil-American na hindi napabilang sa PBA Drafting na maipakita ang hu­say sa paglahok nito sa Philippine Patriots sa 2nd ASEAN Basketball League na opisyal na magbubukas sa Oktubre 2 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Si Mark Jeffries na naglaro sa William Penn Univer­sity sa Iowa sa NCAA Division I ay isusuot ang uniporme ng Patriots na magtatangkang maidepensa ang titulong napanalunan sa unang taon ng regional basketball league.

May kilig na nararamdaman si team owner Mikee Romero sa pagdating ng 6’4 na si Jeffries lalo nga’t bu­mubuo uli ng bagong koponan ang Patriots matapos mawala ang mga pambatong manlalaro sa PBA.

“We have high expectations of Jeffries. He was supposed to be a top pick in the PBA Draft. He stands 6’4 and plays the wing. He plays like Kelly Williams,” wika ni Romero nang dumalo sa PSA Forum sa UN Avenue kahapon.

Nakasama ni Romero ang co-team owner Tony ‘Boy’ Cojuangco, Maan Hontiveros, team manager Erick Arejola, head coach Louie Alas at assistant coach Glen Capacio at ang lahat ng mga opisyal na ito ay tiwalang magdodomina uli ang koponan.

Ang koponan ay nanalo sa Satria Muda BritAma ng Indonesia at nangyari ito gamit ang husay nina Noy Baclao, Elmer Espiritu, Val Acuna at Khazim Mirza bu­kod pa sa mga imports na sina Gabe Freeman at Ja­son Dixon.

Ang apat na local players ay kinuha sa drafting habang wala rin kasiguruhan na babalik sina Freeman at Dixon na may nilalaruang ibang liga.

Show comments