MANILA, Philippines - Ilapit ang isang paa sa hangaring pagtutuos para sa kampeonato sa Tournament of the Philippines (TOP) ang pakay ngayon ng M. Lhuillier Kwarta Padala-Cebu at Misamis Oriental sa pagsisimula ng semifinals ngayon sa magkahiwalay na palaruan.
Ganap na alas-5 ng hapon itinakdang simulan ang sagupaan at ang Niños ang tatayong punong-abala sa Treston Laguna sa Cebu City Coliseum habang ang Meteors ang host ng Hobe Bihon-Taguig sa kanilang tagisan sa Xavier University Gym sa Cagayan De Oro.
Ang semifinals ay paglalabanan sa isang best-of- three series at ang mananalo ngayon ay maaari nang makaabante sa Finals kung mananalo uli sa Game Two bukas. Ang Game Three kung kakailanganin ay gagawin sa Setyembre 3 sa Laguna at Taguig.
Tinapos ng Niños at Meteors ang siyam na yugtong eliminasyon sa unang dalawang puwesto at ang Cebu ay nakapasok sa semifinals nang kunin ang ikalimang sunod na panalo sa sariling venue gamit ang 91-83 panalo sa MP Gensan Warriors.
Ang Meteors naman ay nakalusot sa Ani-FCA sa quarterfinals, 85-83, dala ng pag-iinit ni Patrick Cabahug na umiskor ng 30 puntos.
Maliban sa homecourt advantage ay nanalo rin ang Cebu at MisOr sa kalaban sa pagkikita sa eliminasyon.
Ang Niños ay humirit ng 83-72 tagumpay sa Laguna sa natatanging laban habang may 107-92 at 75-69 panalo ang Meteors sa Taguig.