So nalo, Torre bigo
MANILA, Philippines - Sinimulan ni Filipino GM Wesley So ang kanyang kampanya matapos talunin ang kababayang si Petronio Roca, habang ginitla naman ni WGM Padmini Rout ng India si GM Eugene Torre sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup chess championships sa Ninoy Aquino Stadium.
Sinamantala ni So, ang No. 2 seed sa ilalim ni top seed GM Le Quang Liem ng Vietnam buhat sa kanyang ELO 2676, ang ilang pagkakamali ni Roca patungo sa kanyang 33-move win sa Anti-King’s Indian system.
Kinuha ng 16-anyos na si So ang panalo laban kay Roca (ELO 2372) sa paglalaro ng itim na piyesa.
Nanalo rin ang 16-anyos na si Padmini, umangkin sa bronze medal sa World Juniors Championships sa Czarna, Poland, sa 59-anyos na si Torre sa paglalaro sa itim na piyesa sa 72-player field.
Sinorpresa naman ni Mari Joseph Turqueza, isang 17-anyos na legal management student ng La Salle, si IM Oliver Dimakiling.
Pumuwersa ng draw sina IM Roy Saptarshi ng Indonesia kay Liem; FM Randy Segarra kay No. 13 seed GM Zhang Zhong ng Singapore; Edmundo Gatus kay GM Dashzegve Sharavdorj ng Mongolia; at Deniel Causo kay GM John Paul Gomez.
- Latest
- Trending