MANILA, Philippines - Sisikaping ibaon sa limot ng La Salle ang mapait na kabiguan na nalasap sa huling laro sa pagbangga sa nangungunang FEU sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Tangan ng Archers ang 57-74 alaala ng pagkakadurog sa karibal na Ateneo noong Linggo pagpasok sa tagisan nila ng Tamaraws na itinakda ganap na alas-4 ng hapon.
Unang maghaharap ang UST at UP na alas-2 ng hapon at mag-uunahan ang mga nangangapang koponan na mawakasan ang losing streak.
Mas maganda naman ang karta ng Tigers dahil may tatlong panalo na sila kumpara sa Maroons na hindi pa nakakatikim ng tagumpay matapos ang 11 laro.
Pero ang tropa ni coach Alfredo Jarencio ay mayroong limang sunod na kabiguan na naglagay sa isang paa sa hukay.
Kailangan ng Tigers na maipanalo ang nalalabing apat na laro at umasang ang papang-apat na koponan matapos ang eliminasyon ay hindi magkakaroon ng mahigit na pitong panalo upang makahirit ng playoff para sa huling upuan sa Final Four.
Nakataya nga sa La Salle ang ikapitong panalo kung masisilat ang Tamaraws na hangad ang ika-10 panalo na maglalapit sa hangaring twice to beat advantage.
Ang unang tagisan ng dalawang koponang ito ay nauwi sa double overtime na napanalunan ng FEU sa 84-80 at mabangis ang tropa ni coach Glen Capacio sa larong ito dahil babalik na si Reil Cervantes matapos pagsilbihan ang one-game suspension na ipinataw sa kanya sa laro kontra sa UST.
Maliban kay Cervantes ay aasahan din ni Capacio ang husay ng Gilas national player na si Aldrech Ramos na gumawa ng pinakamagandang laro na 21 puntos, 15 rebounds at 2 blocks nang kunin ang 76-67 panalo sa Tigers.
Sina RR Garcia na kumana sa mahalagang tagpo sa overtime sa unang tagisan sa La Salle, at Terence Romeo ang iba pang huhugutan ng magandang laro ni Capacio.
“Maganda at nasa Final Four na kami pero pakay namin na maging number one o two para sa twice to beat advantage. Inaasahan kong hindi magbabago ang laro ng aking mga players,” wika ni Capacio.
Mananalig naman si Archers coach Dindo Pumaren na maibabalik ang sigla ng kanyang bataan tulad nina Joshua Webb, Simon Atkins, Joseph Marata, Ferdinand at Maui Villanueva para manatiling buhay ang hangaring makapasok sa Final Four at makipag-agawan sa unang dalawang puwesto.
Ang nilasap na 62-60 kabiguan ng Eagles sa UE nitong Huwebes ang nagpanatiling bukas sa pintuan ng La Salle na makahabol sa twice to beat advantage.