Ikalawang silya sa semis, uupuan ng Ateneo vs UE
Iinit pa ang tagisan para sa puwestuhan patungo sa Final Four sa pagsabak sa aksyon ng tatlong koponan nasa kontensyon sa 73rd UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Mangunguna ang nagdedepensang Ateneo na kakaharapin ang pilit na bumabangon na UE dakong alas-4 at nakataya sa Eagles ang ikalawang puwesto sa Final Four.
May 8-2 karta sa ngayon ang Eagles at kung mananalo sila sa Warriors ay masasamahan na nila ang nangungunang FEU sa semifinals.
Bago ito ay pilit namang babangon ang Adamson mula sa mapait na kabiguan sa huling laro sa pagbangga sa kulelat na UP sa alas-2 ng hapon.
Kailangan ng Falcons na maibalik ang dating porma upang manatiling palaban sa hangaring unang dalawang puwesto sa Final Four.
Natalo ang tropa ni coach Leo Austria sa kamay ng UE sa huling laro, 63-71, upang malaglag sa ikatlong puwesto sa team standings sa 7-3 karta.
May anim na sunod na panalo ang tropa ni coach Norman Black at tampok na panalo ay kinuha sa karibal na La Salle noong Linggo, 74-57.
Si Kirk Long na galing sa pagtala ng career high na 22 puntos, ay makakasama nina Erik Salamat, Ryan Buenafe, Mico Salva at Eman Monfort upang maduplika ang 80-73 panalo sa unang pagtutuos.
Mawalis ang nalalabing apat na laro ang misyon ng Warriors upang magkaroon pa ng tsansang makahabol sa puwesto sa susunod na yugto.
- Latest
- Trending