MANILA, Philippines - Alam ni Rabeh Al-Hussaini na sa Rookie Camp pa lamang ay nag-aagawan na sa pagkuha ng atensyon ng mga PBA coaches ang mga draftees.
“Pinagkaiba dito sa UAAP, lahat ng mga players, gusto ring maglaro sa PBA,” sabi ng 6-foot-7 na si Al-Hussaini.
Humakot ang UAAP Most Valuable Player awardee ng 28 points at 8 rebounds para igiya ang White Team sa 80-78 panalo kontra Yellow Team sa finals ng naturang mini- tournament kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Wala nang dudang ang dating kamador ng Ateneo De Manila University ang mapipili ng Air21 bilang No. 1 overall pick para sa nalalapit na 2010 PBA Rookie Draft sa Linggo sa Market! Market! sa Taguig.
Hawak rin ng Express ni coach Yeng Guiao ang No. 2 at 3 overall picks.
Nauna nang sinabi ni Guiao na hindi niya pakakawalan si Al-Hussaini kasabay ng paghugot sa dati ring Blue Eagle na si 6’5 Nonoy Baclao bilang No. 2 overall pick ng Air21.
Ngunit aminado si Al-Hussaini, half-brother ni Air21 slotman Carlo Sharma, na marami pa siyang dapat pag-aralan bilang paghahanda sa kanyang pagpasok sa professional league.
Hinugot ni Al-Hussaini, nagtala rin ng 2 assists at 2 blocks, ang 11 points sa mahalagang fourth quarter bago tumambal kay Riego Gamalinda, miyembro ng ‘three-peat’ team ng San Beda Red Lions.
Kumolekta ang 6’3 na si Gamalinda ng siyam sa kanyang 18 points sa final canto para sa White Team.
Sa unang laro, umiskor sina Ford Arao, RJ Jazul at Alfredo Gerilla ng tig-10 points para sa 80-75 tagumpay ng Red Team kontra Blue Team.