Ramos susi ng Tams sa pagpasok sa semis, napiling UAAP PoW
MANILA, Philippines - Malugod na tinanggap ni Aldrech Ramos ang hamong ibinato sa kanya upang makapasok na ang FEU sa Final Four sa 73rd UAAP men’s basketball.
Ang 6’6 center ang siyang sinandigan ng Tamaraws sa panahong kulang sila ng malaking manlalaro para kunin ang 76-67 panalo sa UST nitong Sabado at maisulong ang nangungunang karta sa 9-1.
Kasapi ng Smart Gilas national team, si Ramos ay nagpasabog ng 21 puntos, humablot ng 15 rebounds, nagbigay ng 6 na assists at bumutata ng 2 upang makapagpakita ng kumpletong paglalaro para sa Tamaraws.
Bago ito ay nangamba ang mga panatiko ng FEU na malalagay sila sa alanganin dahil hindi magagamit sa laban kontra sa Tigers si Reil Cervantes habang si Pipo Noundou ay mayroon pang iniindang injury.
Dahil sa gilas ni Ramos ay siya ang hinirang bilang Accel-Filoil UAAP Press Corps Player of the Week.
“Naka-focus talaga ako sa laro dahil wala si Reil. Sabi ko sa sarili ko ay dapat dagdagan ko ang effort ko,” wika ni Ramos na tinanggap ang kanyang unang citation mula sa UAAP Press Corps na suportado rin ng Gatorade at Nutrilicious.
- Latest
- Trending