Lucky 9 sa Red Lions, Stags bumangon naman
MANILA, Philippines - Habang nakabawi ang Stags mula sa kanilang unang kabiguan, tumuloy naman sa kanilang pang siyam na sunod na arangkada ang Red Lions.
Pinayukod ng nangungunang San Beda College ang College of St. Benilde, 89-70, samantalang tinalo naman ng nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos ang Emilio Aguinaldo College, 81-63, sa second round ng 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humakot ang Red Lions ng kabuuang 28 produksyon sa final canto kung saan nila nalimita ang Blazers sa 10 puntos patungo sa kanilang panalo matapos walisin ang first round.
May 9-0 kartada ngayon ang San Beda kasunod ang San Sebastian (8-1), Jose Rizal University (7-2), Mapua Institute of Technology (5-4), Arellano University (4-5), Letran College (3-6), St. Benilde (2-7), EAC (2-8) at University of Perpetual Help-System Dalta (0-9).
Matapos kunin ng Blazers ang first period, 23-15, bumalik naman sa porma ang Red Lions para iposte ang isang 13-point lead, 58-45, sa gitna ng third quarter hanggang itala ang malaking 75-60 bentahe sa pagsisimula ng final canto.
Naging ‘eye-opener’ naman para sa Stags ang kanilang 76-88 kabiguan sa Red Lions noong nakaraang Miyerkules para biguin ang Generals.
“Natauhan ang mga bata after ng mga mistakes namin sa San Beda. We were outsmarted at hindi kami aggressive, eye-opener talaga sa amin ang nangyari,” sabi ni San Sebastian coach Ato Agustin.
Kumabig si Jonathan Semira ng 17 points para pangunahan ang Stags kasunod ang 16 points at 15 boards ni Calvin Abueva.
- Latest
- Trending