Parehong 'formula' gagamitin ng Red Lions sa second round
MANILA, Philippines - Kung anuman ang kanilang naging ‘formula’ sa first round ay siya ring gagawin ng mga Red Lions sa second round ng 86th NCAA men’s basketball tournament.
“It’s a brand new start for us and we just have to keep doing what did right in the first round, and hopefully improve some of it,” ani coach Frankie Lim matapos walisin ng kanyang San Beda College ang first round mula sa 88-76 paggiba sa nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos noong nakaraang Miyerkules.
Target ang kanilang pang siyam na panalo, sasagupain ng Red Lions ang St. Benilde Blazers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang laban ng Stags sa Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2 sa The Arena sa San Juan.
Muling ipaparada ng San Beda sina 6-foot-7 American import Sudan Daniel, Borgie Hermida, Garvo Lanete, Jake Pascual at Dave Marcelo kontra sa St. Benilde na nagmula sa 79-70 paggupo sa wala pa ring suwerteng University of Perpetual Help-System Dalta.
Sa unang laro, sasamantalahin naman ng Stags ni Ato Agustin ang pagkakaroon ng injury ng mga kamador ng Generals na sina Argel Mendoza, Milan Vargas at Russell Yaya.
Nanggaling ang EAC ni Nomar Isla sa 65-88 pagyukod sa Letran College sa kanilang huling laro.
- Latest
- Trending