Margarito umapela sa Texas para sa kanyang lisensya
MANILA, Philippines - Dumulog na si Antonio Margarito sa Texas upang makakuha ng boxing license at maisara na ang usapin sa kanilang tagisan ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 14.
Sinabi ni Susan Stanford, information officer ng Texas Depatment of Licensing and Regulation, na natanggap na nila ang fax application ni Margarito pero hindi agad nila maaaktuhan ito dahil wala pa itong naibabayad para sa lisensya.
Noong Huwebes pa isinumite ni Margarito ang aplikasyon pero kailangang magbayad rin ang boksingero upang makumpleto ang papeles at saka ito aaktuhan ng Texas. Tatagal umano ng 10 araw bago makapaglabas ng desisyon ang mga awtoridad.
“We have received a faxed application on behalf of Margarito. But a faxed application is an incomplete application,”wika ni Stanford.
Nauna nang lumapit si Margarito sa California State Athletic Commission na siyang bumawi sa kanyang lisensya matapos mapatunayan na gumamit ito ng ipinagbabawal na kemikal upang mapatigas ang balot sa kamay nang kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong 2009.
Nagsagawa ng pagdinig at personal na umapela si Margarito pero hindi kumatig ang CSAC sa botong 5-1 upang malagay sa alanganin ang hangaring pagkikita nila ni Pacquiao na ihahandog ng Top Rank.
Matapos tanggihan ng CSAC ay puwede nang dumulog sa ibang boxing commission sa US ang 32-anyos na Mexican boxer dahil ito ang unang kautusan ng Association of Boxing Commissions (ABC).
“Mr. Margarito has fulfilled his obligatoins per the ABC and thus he is now free to pursue licensure with any ABC member commission. The ABC would hope that each ABC member commission would examine the facts that have been laid out by the CSAC and weigh those facts in determining if Mr. Margarito should indeed be licensed to compete in their jurisdiction,” sabi ng ABC.
- Latest
- Trending