MANILA, Philippines - Maagang trinabaho ni Donnie “Ahas” Nietes si Mexican challenger Mario Rodriguez upang maisantabi ang mahinang pagtatapos tungo sa matagumpay na pagdepensa sa hawak na WBO minimumweight title kahapon sa Auditorio Luis Estrada, Medina, Guasave, Sinaloa, Mexico.
Ang 28-anyos na si Nietes ay umiskor kay Rodriguez gamit ang mga malulutong na kaliwang uppercuts at hooks na naging puhunan para makuha ang pagsang-ayon ng tatlong hurado para sa kanyang ikaapat na matagumpay na pagdepensa sa titulo.
Si judges Levi Martinez ay nagbigay ng 119-109, si Alejandro Lopez Cid ay naggawad ng 118-110 iskor at 116-112 naman ang ibinigay ni Thomas Nardone lahat para kay Nietes na nakuha ang ika-27 panalo sa 31 laban.
Ito rin ang ikatlong sunod na pagkakataon na nanalo si Nietes sa Mexico na isa ring makasaysayan kung Philippine boxing ang pag-uusapan.
Bago si Rodriguez ay sinagupa muna ni Nietes sina Erik Ramirez at Manuel Vargas noong Pebrero 28 at Setyembre 12 noong nagdaang taon at nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision at split decision, ayon sa pagkakasunod.