MANILA, Philippines - Sa gitna ng kontrobersya sa kanyang personal na buhay, nagningning pa rin ang basketball career ni James Yap.
Ito ay matapos tanghalin ang tubong Escalante, Negros Occidental bilang 2009-2010 PBA Most Valuable Player sa ikalawang pagkakataon matapos noong 2006 kahapon sa Leo Awards sa Araneta Coliseum.
Humakot ang 6-foot-2 na si Yap Derby Ace ng kabuuang 2,577 boto mula sa statistics (362), media (1,300), players (15), Solar TV (600) at PBA (300) para talunin sina LA Tenorio ng Alaska (1,539) at Jay Washington ng San Miguel (756), ang kinilalang Best Player of the Conference ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Si Yap, hiwalay na sa aktres na si Kris Aquino na kapatid ni Pangulong Benig-no “Noynoy” Aquino III, ang pang walong PBA player na nakakuha ng dalawang MVP trophy matapos sina Ramon Fernandez, Alvin Patromonio, Bogs Adornado, Abet Guidaben, Benjie Paras, Danny Ildefonso at Willie Miller.
Sina Fernandez at Patrimonio ay may tig-apat na MVP awards.
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko,” garalgal na wika ni Yap. “Alam naman natin lahat ang pinagdaanan ko sa personal kong buhay. Pero nandoon pa rin lagi ang strength and focus ko every game.”
Imbes na ialay kay Kris, ibinigay ni Yap ang kanyang MVP trophy sa kanyang anak na si Baby James na hiniling niyang isama sa naturang okasyon ngunit hindi ito pinagbigyan ng Presidential Sister.
Inungusan naman ni Yap ang kakamping si Kerby Raymundo at si Rico Villanueva ng Red Bull Barako para sa 2005-2006 PBA MVP trophy sa kabila ng pagiging ikaapat sa statistical points sa katapusan ng semifinal round.
Kasama rin si Yap sa 1st Mythical Team na kinabibilangan nina Tenorio, Washington, Arwind Santos ng San Miguel at Sonny Thoss ng Alaska, habang nasa 2nd Mythical Squad naman sina Roger Yap ng Derby Ace, Mac Cardona at Kelly Williams ng Talk ‘N Text, Joe Devance ng Alaska at Asi Taulava ng Coca-Cola.
Ang 5’8 na si Tenorio ang kinilalang Most Improved Player, samantalang ang kakamping si Cyrus Baguio ang tumanggap ng Sportsmanship Award.
Ang 6’5 na si Rico Maierhofer (3,127) ng Derby Ace ang tinanghal na Rookie of the Year makaraang ungusan sina Josh Urbiztondo (1,8411) ng Sta. Lucia, binili ang prangkisa ng Meralco, at Jervy Cruz (1,040) ng Rain or Shine.
Ang All-Defensive Team ay binubuo naman nina Santos, Roger Yap, Marc Pingris ng Derby Ace, Gabe Norwood ng Rain or Shine at Ryan Reyes ng Talk ‘N Text.