Huling tiket sa quarters asam ng NU belles

MANILA, Philippines -  Isa na lamang ang natitirang bakanteng puwesto para sa susunod na bahagi ng kompetisyon.

Ito ang tatangkaing ma­kuha ng National University sa kanilang pakikipagbuno sa second seeded Ateneo sa patuloy na pag-init ng aksyon ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa ganap na alas-4 ng hapon sa The Arena sa San Juan.

Bagaman nahaharap sa isang mabigat na laban, hahangarin ng Lady Bulldogs na maselyuhan na ang ika-anim at huling tiket para sa quarterfinals ng season-ending confe­rence ng premyadong volleyball league sa bansa at mapasama sa mga quarterfinalists na San Sebastian College (5-1), Ateneo (4-1), Adamson (4-2) , FEU(4-2) at Lyceum (4-3).

Kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto sa team standings ang bagitong NU na mayroong 2-4 win-loss card, nasa likuran lamang nila ang nag-aabang na Perpetual Help na mayroong 1-5 na baraha at maaari nilang makaharap sa isang playoff kung saka­ling mabigo sila laban sa Lady Eagles, ngunit kung magtatagumpay sila ay tu­luyan ng malalaglag ang Lady Altas sa torneo.

Show comments