Baycats, Phoenix umiskor ng panalo sa 10th NAASCU
MANILA, Philippines - Kapwa pinayuko ng Our Lady of Fatima at San Sebastian College Recoletos-Cavite ang kani-kanilang mga katunggali upang umukit ng tagumpay sa pagpapatuloy ng aksyon sa 10th edisyon ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) kahapon sa University of Manila gymnasium.
Nakatakas ang Fatima University laban sa New Era University, 78-75 sa isang dikitang labanan na kung saan ang una at ikalawang yugto ay nagtapos sa tabla upang umangat sa liderato sa kanilang 3-0 win loss slate.
Nanguna para sa atake ng Phoenix si rookie guard Anthony Benavidez sa kanyang kinanang 16 puntos habang sinegundahan siya ng mga kapwa rookies na sina Joseph Marquez at Rolly Putra na nagdagdag ng 14 at 12 puntos ayon sa pagkakasunod. Nagpasabog naman ng 21 puntos si Ramel Pepito para balikatin ang laro para sa mga Hunters.
Dinikdik naman ng San Sebastian College Cavite ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasay, 76-50 para irehistro ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos mabigo sa kanilang opening match.
Naglista ng 16 puntos si Bryan Filio para pamunuan ang atake ng nagdedepensang Baycats at nag-ambag naman ng 14 puntos si Jeoffrey Acain para sa Baycats, habang nagtala naman ng tig-siyam na puntos sina Billy Malana, Mikki Miraflor at Brian Primo para balikatin ang Eagles.
Sa women’s division naman, natakasan ng AMA Computer University ang Centro Escolar University sa 90-84 overtime na tagumpay. Nagbida para sa Lady Titans sina Alejandra Sarmiento na mayroong 18 puntos at Dulce Millosa na mayroon namang 17 puntos.
Sa junior’s division, tinalo naman ng Centro Escolar University ang San Sebastian College-Cavite, 92-55.
- Latest
- Trending