MANILA, Philippines – Tatlong koponan ang magtatangka na maselyuhan ang kanilang pagsampa sa quarterfinal round ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 ngayong araw sa The Arena sa San Juan.
Haharapin ng FEU ang Perpetual Help sa pambungad na bakbakan habang sasagupain naman ng Ateneo ang nangungulelat na St. Benilde sa alas-4 ng hapon at makikipagbanggaan ang Lyceum sa National University sa tampok na laban.
Susubukan ng Lady Tamaraws, galing sa isang straight set victory laban sa NU noong nakaraang Huwebes, na makuha ang kanilang ika-apat na sunod na tagumpay laban sa Lady Altas na matapos ipanalo ang kanilang unang laban ay apat na sunod na kabiguan na ang nalasap.
Muli na namang pagbibidahan ng tambalang Rachelle Anne Daquis at Michelle Carolino ang mga taga- Morayta kasama sina Monique Tiangco at Cherry Mae Vivas habang sasandig naman ang mga taga- Las Piñas kina Nica Guliman, Ronerry Dela Cruz at Sandra Delos Santos.
Hangad naman ng Lady Eagles na masundan ang kanilang five-set win kontra sa Lyceum noong Linggo sa kanilang pakikipagbuno sa wala pa ring panalong Lady Blazers na huling nakatikim ng talo sa kamay ng Adamson nitong Linggo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Matapos namang mabigo sa Ateneo noong Linggo, asam ng Lady Pirates na makabangon sa kanilang pagharap sa National University. Nagapi ng Ateneo ang Lyceum sa loob ng limang sets matapos kunin ng Lyceum ang ikalawa at ikatlong sets at lumamang sa maagang bahagi ng fourth set.