MANILA, Philippines - Walang dapat na ipagalala ang mga siklista sa nangyaring palitan ng opisyales sa Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP).
Ito ang tiniyak ni Chief of Mission Joey Romasanta matapos ang paglabas ng mga siklista kamakalawa upang umapela na huwag madamay lalo na ang gagawing paglahok sa Asian Games sa Guangzhou China sa Nobyembre.
Ayon kay Romasanta, hindi magagalaw ang mga nakapasang siklista para sa Asian Games dahil patuloy na umiiral ang kasunduan na nilagdaan ng POC, ICFP na kinatawan ni chairman Col. Arnold Taberto at Philcycling na pinamumunuan ni Abraham Tolentino na kinatawan ni sec-gen Atty. Cornelio Padilla Jr.
“All qualified cyclists have nothing to be anxious about because the Memorandum of Agreement signed by the two cycling groups and POC is still in effect,” wika ni Romasanta.
Nagpahayag ng pangamba ang mga siklistang sumali sa unified tryouts noong nakaraang buwan para sa road, track at mountain bike events, matapos magpahayag ang POC na dapat magkaroon ng unified election ang dalawang grupo upang maisaayos ang gulo sa liderato.
Naghayag ang POC ng ganito matapos ilabas si dating PSC chairman Philip Ella Juico bilang bagong pangulo ng ICFP na iniluklok ng kanilang board.