MANILA, Philippines - Personal na inihandog kahapon ni world interim super flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang ginamit na boxing shorts sa kanyang nakaraang laban kay Mexican challenger Hernan “Tyson” Marquez sa isang courtesy call sa Malacañang.
Sapul nang mamatay si dating Pangulong Corazon C. Aquino noong Agosto ng nakaraang taon ay nagbibigay na ang tubong Talibon, Bohol na si Donaire ng kanyang mga boxing souvenirs sa pamilya Aquino.
Kabilang sa mga ito ay ang kanyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title na kanyang nakuha nang talunin si Rafael Concepcion pati na ang kanyang isinuot na yellow robe at fighting trunks sa naturang laban.
Sa kanyang eight-round TKO win kay Marquez noong Hulyo 10 sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Hato Rey, Puerto Rico para mapanatiling suot ang nasabing titulo, may nakasulat na itim na “Aquino” sa kanyang back waistband.
Ang mga ito ay naka-display sa Aquino Center sa Hacienda Luisita sa Tarlac City kung saan naroon rin ang mga damit na isinuot ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino nang siya ay nakulong sa Fort Bonifacio sa panahon ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos.