MANILA, Philippines - Mula sa pagiging magkaribal sa hardcourt hanggang sa kanilang matibay na pagkakaibigan sa United States.
Si dating Toyota power forward Abe King ang nangunguna sa pagtulong at paghingi ng suporta para kay dating Crispa center Abet Guidaben na kasalukuyang nakaratay sa ICU sa isang ospital sa New Jersey dahil sa pambihirang sakit na Myasthenia Gravis.
“Iyong sakit niyang Myasthenia Gravis, magandang-maganda ang pakiramdam mo tapos bigla ka na lang manghihina,” sabi ni King sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang “Sports Chat” sa DZSR Sports Radio kahapon mula sa Seattle, Washington, USA ukol sa dumapong karamdaman sa two-time PBA Most Valuable Player awardee na si Guidaben.
Ang grupo ni King na PBA Legends USA Foundation ang siyang umaagapay ngayon sa gastusin sa ospital ng 57-anyos na dating sentro ng maalamat na Crispa Redmanizers na naging karibal ng Toyota Super Corollas noong 1980’s sa PBA.
Kabilang sa mga sintomas ng MG ay ang kahirapan sa pagsasalita, kahirapan sa paglunok at ang paglambot ng muscles sa batok at leeg.