Jason, 'The Swiss Knife'
Animo ‘swiss knife’ ang papel ni Jason Castro sa Talk N Text na kasalukuyang nakikipagduwelo sa Alaska Milk sa best-of-seven semifinal round ng PBA Fiesta Conference.
Swiss Knife nga ba ang tawag dun?
Kasi, kapag may kulang na manlalaro ang Talk N Text, si Castro ang pumupuno sa nabakanteng pusisyon at nagbibigay ng puntos na dapat na ibigay ng player na hindi naglaro.
Dalawang beses na niyang ginawa ito sa serye. At sa dalawang pagka-kataong iyon ay nagwagi ang Tropang Texters.
Una’y sa Game Two kung saan hindi nakapaglaro si Mark Cardona dahil sa ikinakasal siya habang naglalaban ang Tropang Texters at Aces. Kailangang-kailangan ng Talk N Text na manalo upang maitabla ang serye matapos na durugin sila ng Aces, 104-88 sa Game One.
Oo at nagbida para sa Tropang Texters si Jimmy Alapag na gumawa ng 25 puntos sa second half bukod pa sa sampung assists. Pero hindi puwedeng bale-walain ang 17 puntos ni Castro na siyang pumuno sa numerong hindi naibigay ni Cardona. Nagwagi ang Tropang Texters, 100-94 upang itabla ang serye, 1-all.
Muling umusad sa serye ang Aces, 2-1 matapos na manalo sa Game Three, 90-86. At sa larong iyon ay nagtamo ng injury ang isa pang point guard ng Talk N Text na si Ryan Reyes.
Must-win na naman ang sitwasyon para sa Tropang Texters sa Game Four at muli ay kulang na naman sila ng isang player dahil injured nga si Reyes.
Well, itinuring ng lahat na bida para sa Tropang Texters ang import na si Shawn Daniels na gumawa ng 13 puntos at 14 rebounds upang magwagi ang TNT, 83-62. Iyon kasi ang unang pagkakataon sa serye na nakalamang sa statistics si Daniels kay Diamon Simpson na import ng Alaska Milk.
Pero gaya ni Daniels, si Castro ay gumawa din ng 13 puntos. Silang dalawa ang leading scorers ng Talk N Text. So kahit paano’y napunan niyang muli ang pagkawala ng isa nilang player.
Kung consistency ang pag-uusapan, ibang klase ang ipinamamalas ni Castro sa seryeng ito. At maging sa kabuuan ng season. Kaya nga puwede siyang ituring na leading contender para sa Mr. Quality Minutes award ng PBA Press Coprs sa katapusan ng season.
Sa totoo lang, kung napunta si Castro sa ibang team, tiyak na starter siya at makapaglalaro ng mahahabang minuto. Pero sa Talk N Text, ang papel nga niya’y “swiss knife.”
Well, okay lang naman sa kanya ang ganitong trato. medyo bitin, pero naibubuhos niya ang lahat.
Ito naman ang inaasahan sa kanya ng Tropang Texters nang kunin siya sa draft. Hindi nga ba’t ipinamigay pa ng TNT si Anthony Washington sa San Miguel Beer para makuha lang siya.
At deserving siya ng tiwala ng coaching staff at pamunuan ng Tropang Texters. Kasi nga, star material at tunay siyang hardworker. Napatunayan na niya ito noong naglalaro pa siya sa Philipine Christian University Dolphins na tinulungan niyang mamayagpag sa NCAA. napatunayan niya ito nang tulungan niya ang Harbour Centre na magkampeon nang kung ilang beses sa PBL. Napatunayan din niya ito nang kunin siyang import ng Singapore Slingers.
At ngayon nga’y pinatutunayan niya ang kanyang halaga sa PBA.
- Latest
- Trending