Maroons kontra Warriors
MANILA, Philippines - Pag-iinitin ng UP at UE ang kanilang kampanya, habang makabangon mula sa masakit na kabiguan naman ang hanap ng nagdedepensang Ateneo sa pagpapatuloy ngayon ng 73rd UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Unang panalo na magpapaganda pa sa tsansang makahabol sa mga nasa unahan ng team standings ang nakaumang sa UE at UP na magtutuos sa ganap na alas-2 ng hapon.
Parehong wala pang naipapanalo ang Warriors at Maroons matapos ang apat na laro at iniinda ng mga koponang ito ang mga bagong bagay na dumating sa kanilang panig.
Patuloy ang pagkana ni Paul Lee na nagbibigay ng 19.25 puntos, 7 rebounds, 3.7 assists at 1.75 steals pero walang nakahalili sa puwestong iniwan nina Elmer Espiritu at Pari Llagas upang lumamya ang frontline ng tropa ni coach Lawrence Chongson.
Ang bagong sistema naman na ipinaiiral ng dating PBA coach na si Boyet Fernandez na humalili sa nag-leave na si Aboy Castro ang pinag-aaralan pa naman ng Maroons.
Maibangon ang puri matapos hiyain ng karibal na La Salle, 66-63, ang hanap ng Eagles na sa ngayon ay mayroon lamang 2-2 karta.
Patok naman ang tropa ni coach Norman Black sa Bulldogs dahil sa taglay nilang mas beteranong lineup tulad nina Mico Salva, Eman Monfort, Eric Salamat, at ang nagpapasikat na si Justin Chua.
Si Emmanuel Mbe na naghahatid ng 11.4 puntos at 12.8 rebounds ang babandera sa Bulldogs katulong ang beteranong si Jewel Ponferada bukod pa kina Glenn Khobuntin at Joseph Hermosisima.
- Latest
- Trending