Buwenamano sa Hawks
MANILA, Philippines - Sinalubong ng University of Manila ang kanilang kampanya sa pang sampung edisyon ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa pamamagitan ng 68-37 paggupo sa defending champions San Sebastian College-Cavite kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Rhandelle Colina ang impresibong atake ng Hawks sa kanyang kinamadang 19 points kabilang ang tatlong three point shots.
Maliban kay Colina, dalawa pang manlalaro mula sa five-time titlists ang nagtala ng double-figures. Nagtala si pointguard Jeffy Viernes ng 12 points kabilang ang dalawang tres, habang mayroon namang 11 si Eugene Torres.
Tumipa naman ng pinagsamang 15 puntos sina Jay-Ar- Manuel, Erwin Pateño at Justin Sanguyo.
Nagtala ng 9 marka si Bryan Filio para sa Baycats, habang nalimitahan sa anim na puntos si Raymond Alcasabas. May pinagsamang 14 produksyon sina Lexter Atangan, Cliford Castro at Ivan Yurong.
Matapos malamangan sa kaagahan ng laro, inagaw ng mga taga-Maynila ang kalamangan sa pamamagitan ng kanilang madikit na depensa na nagresulta ng maraming turnovers laban sa mga taga-Cavite.
Nakuha ng UM ang 15-9 bentahe sa pagtatapos ng first quarter at hindi na nilingon pa ang SSC-Cavite mula sa kanilang 35-18 halftime lead.
Dahil na rin sa matinding depensa ng Hawks, nalimitahan lamang ang back-to-back titlists sa 27 puntos sa tatlong yugto ng laro.
Ipinoste ng UM ang 37 puntos kalamangan sa 6:44 mark ng huling period sa likod ng dalawang dikit na tres ni Viernes at sa dalawang basket nina Pateño at Torres.
UM 68--Colina 19, Viernes 12, Torres 11, Sanguyo 5, Manuel 5, Pateño 5, Tan 4, Macasaet 3, Ancheta 2, Tamayo 2, Rabalo 0, Ibay 0, Almario 0, Patricio 0.
SSC-Cavite 37-- Filio 9, Alcasabas 6, Atangan 6, Castro 4, Yurong 4, Callado 3, Mistal 2, Acain 2, Puno 1, Pupos 0, Pantonia 0, Reyes 0, Dela Cruz 0, Monzon 0.
Quarterscores: 15-9; 35-18; 53-27; 68-37.
- Latest
- Trending