Magandang laban ibibigay ng pinoy athletes sa YOG
MANILA, Philippines - May kaba man ay naniniwala naman ang mga batang manlalaro sa kanilang kakayahan na mabigyan ng kinang ang Pilipinas sa gagawing pagkampanya sa 1st Youth Olympic Games mula Agosto 14 hanggang 26 sa Singapore.
Sina weightlifter Patricia Llena, cagers Jeron Teng at Cris Michael Tolomia, jin Kirk Barbosa at swimmers Jasmine Alkhaldi at Jessie King Lacuna ay pawang kumbinsido na kaya nilang bigyan ng magandang laban at makapanorpresa sa kompetisyong lalahukan ng 205 bansa na kasapi ng International Olympic Committee (IOC).
Ang mga batang ito ay dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kasama nina POC president Jose Cojuangco Jr., PSC chairman Ricardo Garcia at Chief of Mission ng YOG Mark Joseph.
“May kaba but I’m happy and honored to be a part of the 1st YOG,” wika ni Teng nang dumalo ang mga ito sa PSA Forum sa Shakey’s sa UN Avenue, Manila .
Si Llena nga ang napili bilang Flag bearer ng delegasyon na ayon kay Joseph ay angkop lamang dahil ang 15-anyos na lifter ay multi-medaled sa larangan ng weightlifting at power lifting at siya ang kauna-unahang manlalaro ng bansa na nag-qualify sa torneo.
Di tulad sa Olympics na halos 10,500 ang atletang naglalaro, limitado lamang sa 3,600 ang mga kasali na maglalaban-laban sa 26 sports discipline
Ang Pilipinas ay kasali sa limang sports at kukumpleto sa talaan ng manlalaro ay si Jeson Patrombon ng tennis.
Sinasandalan naman ni Joseph ang pangarap na kuminang ng mga atletang ito bukod pa sa kanilang lakas at determinasyon na maghahtid sa tagumpay.
Pero kung hindi man nila maabot ang inaasahang medalya, hindi naman dapat batikusin ang mga ito.
Ang PSC, wika ni Garcia, ay maglalabas naman ng pondo para makatulong sa delegasyon.
Ang IOC ang siyang gagasta sa mga kalahok sa YOG pero kailangan pa rin ng mga batang kasali ang kagamitan at allowances.
- Latest
- Trending