MANILA, Philippines - Handa si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. na tulungan ang mga amateur fighters ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para sa paghahanda sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre at sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa 2011.
Ginawa ito ng 27-anyos na si Donaire kahapon sa isang press conference na inihandog sa kanya ng GMA Channel 7, naglatag sa kanyang mga tv guestings sa Show Me The Manny, Hole In The Wall, Party Pilipinas at Danz Showdown.
Ayon sa tubong Talibon, Bohol na si Donaire, tinalo si Mexican challenger Hernan “Tyson” Marquez via eight-round TKO para panatilihing suot ang kanyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title noong Hulyo 10 sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Hato Rey, Puerto Rico, kumpleto ang kanyang Undisputed boxing gym sa San Carlos, California, USA sa mga boxing equipment.
“Kasi maganda ‘yung facility ko sa United States, may nutritionists, may strength trainers, lahat ng mga kailangan ng mga amateur boxers natin dito meron doon,” ani Donaire sa Undisputed boxing gym na kanyang pag-aari kahati ang isang kaibigan.
“I just want to help our amateur boxers para one day we might have our very first Olympic gold medal,” dagdag pa ni Donaire, naging gold medalist sa National Silver Gloves noong 1998, sa National Junior Olympics noong 1999 at sa National USA Tournament noong 2000 bago naging professional fighter noong 2001.
Kapwa pumasok sa finals stages ng light flyweight division si Donaire at kapatid nitong si Glenn sa US Olympic trials noong 2000 bago tinalo ni Brian Viloria.