Lady Altas sinakmal ng Bulldogs sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Naiwasan ng National University na malasap ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng impresibong laro sa opensa at depensa laban sa Perpetual Help at tuluyan ng inangkin ang kanilang ikalawang panalo sa Shakey’s V-League.
Pinadapa ng Lady Bulldogs ang Lady Altas sa loob ng tatlong sets, 25-14, 25-20 at 25-22 sa pagpapatuloy ng aksyon ng ikalawang conference ng ikapitong season ng premyadong volleyball league na iniisponsoran ng Shakey’s kahapon sa The Arena, San Juan.
Mula sa isang masamang laro noong Linggo kung saan ginupo sila ng Adamson, nagbida sa atake ng National University si guest player Aleona Denise Santiago sa kanyang kinanang 14 points kabilang ang tatlong blocks habang nanumbalik naman sa kanyang pamatay na porma si mainstay Mervic Mangui na nagrehistro rin ng 14 points tampok ang 13 hits. Nagdagdag naman si Elaine Sagun ng 13 points habang sina Maricar Nepomuceno at Daphne Santiago ay nagsama sa 11 points.
Para naman sa Perpetual Help na nalasap ang kanilang ikalawang kabiguan, nanguna sina guest player Nica Guliman at April Sartin na pawang may pitong puntos habang sina Sandra Delos Santos at Michelle Datuin ay nag-ambag ng anim at apat na puntos.
Ang panalong ito ng Lady Bulldogs ang naglagay sa kanila sa third seed sa kanilang 2-1 panalo-talong baraha.
Matapos kunin ang una at ikalawang sets sa madaling paraan, nalamangan pa ng Perpetual Help ang NU sa unang bahagi ng ikatlong set, 8-6. Inagaw ng Lady Bulldogs ang kalamangan patungo sa tagumpay sa pagbibida nila Aleona Denise Santiago, Mervic Mangui at Elaine Sagun.
- Latest
- Trending