MANILA, Philippines - Sa kanyang pag-akyat sa mas mabigat na weight division, maaaring makaharap ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sina Mexican champion Fernando “Cochulito” Montiel at Puerto Rican Wilfredo Vasquez, Jr.
“Elite fighters na ‘yun, world champions. Mas magaling sila sa lahat ng nakalaban ko noon,” sabi ni Donaire sa kanyang pagdating sa bansa sa Ninoy Aquino International Airport kahapon ng umaga mula sa United States. “I need to be better need to be stronger, kailangan talagang mag-ensayo. I need to focus.”
Si Montiel ang kasalukuyang World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion, habang si Vasquez ang WBO super bantamweight titlist.
Nagdesisyon ang 27-anyos na si Donaire na umakyat sa mas mataas na weight class matapos talunin si Mexican challenger Hernan “Tyson” Marquez via eight-round TKO para panatilihing suot ang kanyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title noong Hulyo 10 sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Hato Rey, Puerto Rico.
Bago kunin ang bakanteng WBA interim light flyweight crown mula sa kanyang unanimous decision win kay Panamanian Rafael Concepcion noong Agosto 15, 2009, inagaw muna ni Donaire ang mga suot na International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles ni Vic Darchinyan via fifth round TKO noong Hulyo 7, 2007.
Si Darchinyan ang kasalukuyang WBA at World Boxing Council (WBC) light flyweight king.
Nagpahayag na kamakailan si Bob Arum ng Top Rank Promotions na maaari niyang ilaban si Donaire, nagdadala ng 24-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 16 KOs, kina Montiel (41-2-2, 31 KOs) at Vasquez (19-0-1, 16 KOs).