Ninos, Cultivators nagsipanalo
MANILA, Philippines - Ginamit ng ML Kwarta Padala Cebu ang mainit na pagbuslo sa kabuuan ng sagupaan tungo sa 104-81 pagdurog sa host Cobra sa pagbubukas kahapon ng 7th leg ng Tournament of the Philippines (TOP) sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Manila.
Nasabak na sa venue sa first leg na kanilang winalis, ang Ninos ay nagtala ng 43 of 76 shooting para sa 57% fieldgoals upang katampukan ang dominanteng unang panalo sa hangaring maibulsa ang ikatlong leg title.
Si Stephen Padilla ay may 20 puntos kasama ang limang tres habang sina Bruce Dacia, Ariel Mepana at Marlon Basco ay nag-ambag ng 42 puntos upang ipalasap sa Ironmen ang kanilang unang kabiguan.
Nauna namang nagpasikat ang Ani-FCA nang malusutan ang MP GenSan Warriors, 77-72, sa unang laban.
Sina James Sena at Magnum Membrere ang nagtulong matapos ang huling tabla sa laro sa 60-all para tumibay ang hangarin ng Cultivators na makalaro uli sa Finals na naganap sa Mandaue leg.
Tatangkain ngayon ng Ninos at Cultivators na maselyuhan ang puwesto sa finals sa pagharap sa Warriors at Ironmen ngayon sa nasabing venue.
- Latest
- Trending