MANILA, Philippines - Maski na ang malaking puso ay hindi sapat para mapaglabanan ang matinding kapaguran.
Sinamantala ang masakit na katawan ng Derby Ace, kinuha ng nagdedepensang San Miguel ang malaking 101-88 tagumpay sa Game One ng kanilang best-of-seven semifinals series para sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Big Dome.
Huling naglaro ang Beermen noong Hulyo 2 nang talunin ang Llamados sa kanilang playoff game para sa ikalawa at huling outright semifinals berth, habang nanggaling naman ang Derby Ace sa 3-2 pagtakas sa kanilang best-of-five quarterfinals series ng Rain or Shine.
“We were a little pressured than they were coming into this game but we came out in the second half a little stronger,” sabi ni Jay Washington, humugot ng 14 sa kanyang points game-high 28 points sa third quarter.
Matapos lumaban ang Llamados sa first half, 44-44, galing sa 12 points ni James Yap, tampok rito ang 3-of-4 shooting sa three-point range, bumitaw naman ang Beermen sa third period nang kunin ang malaking 70-55 lamang patungo sa isang 24-point lead, 79-55, sa huling 16.8 segundo nito mula sa tres ni Jonas Villanueva.
Ngunit hanggang sa 12 puntos lamang, 84-96, naibaba ng Derby Ace ni Ryan Gregorio ang naturang lamang sa kanila sa huling 1:57 ng fourth quarter.
Ang dalawang freethrows ni Washington ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Beermen sa nalalabing 1:37 para sa kanilang 98-84 bentahe.
Nagdagdag si Gabe Freeman ng 23 points para sa SMBeer.
San Miguel 101 - Washington 28, Freeman 23, Santos 15, Hontiveros 15, Villanueva 8, Peña 4, Racela 3, Cabagnot 2, Seigle 2, Miranda 1, Yeo 0, Ildefonso 0, Pennisi 0.
B-Meg Derby Ace 88 - Yap J. 24, Washam 23, Simon 12, Artadi 7, Timberlake 6, Maierhofer 6, Pingris 4, Adducul 2, Reavis 2, Yap R. 2, Canaleta 0, Allado 0.
Quarterscores: 25-21, 44-44, 79-57, 101-88.