Si Pacquiao ang magdedesisyon--Arum
MANILA, Philippines - Hindi pa man malinaw kung sino ang kanyang makakalaban, inihayag naman na ni Top Rank promoter Bob Arum ang plano para sa gagawing pagsasanay ni Manny Pacquiao lalo nga’t abala rin ito sa pagiging Kongresista ng Sarangani Province.
Ayon kay Arum, hindi maaabala si Pacquiao ng kanyang bagong trabaho bilang isang mambabatas ng bansa dahil ang kanyang pagsasanay ay ipapasok sa mga araw na libre siya.
“He will train on the four days that congress isn’t in session, from what I understand,” wika ni Arum.
“He wouldn’t come to work at Wild Card until three weeks before the fight. But the fight itself wouldn’t be a problem. They wouldn’t be able to get a quorum when Manny fights, so they will take three weeks off,” dagdag pa nito.
Hindi na si Floyd Mayweather Jr. ang makakalaban ni Pacquiao sa Nobyembre 13 nang lumampas ang ibinigay nilang taning sa wala pang talong US boxer bago naghating-gabi ng Biyernes.
Binanggit na ni Arum ang mga pangalan nina Miguel Cotto at Antonio Margarito bilang posibleng karibal at ang mga labang gagawin ay para sa ikawalong world title ni Pacman.
Si Cotto ang hari ngayon ng WBA light middleweight division habang ang bakanteng WBC 154-pound division ang paglalabanan nina Pacquiao at Margarito.
Pero nilinaw ni Arum na si Pacquiao ang siyang may huling desisyon sa kung sino ang nais niyang sagupain sa kanyang comeback fight
Nitong Marso pa huling lumaban si Pacquiao kontra kay Joshua Clottey.
“It will be Manny’s decision. I do not have a preference. I do not want to prejudice the situation. I want Manny to decide,” paliwanag ni Arum.
Hindi naman magiging problema ang negosasyon dahil sina Cotto at Margarito gaya ni Pacquiao ay nasa pangangalaga ng Top Rank Promotions.
- Latest
- Trending