Manila nakauna sa Cebu
MANILA, Philippines - Lumabas ang tunay na laro ng kaliweteng pitcher na si Jon Jon Robles upang makuha ng Manila ang 5-3 panalo sa Cebu sa Game One ng Dunkin Donuts Baseball Philippines Series VI Finals kahapon sa Felino Marcelino Memorial Stadium sa Taguig City.
Ipinasok sa laro matapos magbigay ng tatlong runs buhat sa tatlong hits ang starter na si Charlie Labrador, nilimitahan na lamang ni Robles ang Dolphins sa isang hit sa huling walong innings bukod pa sa pagkakaroon ng limang strikeouts.
May limang hits din lamang ang Sharks pero apat rito ay ginawa sa unang dalawang innings na kung saan umiskor ng tatlo at dalawang runs ang koponan.
Binasag nga ni Christian Galedo ang 3-3 iskor matapos ang first inning sa kanyang double sa right field para mapaiskor si Jarus Inobio mula sa second base.
Si Galedo ang naghatid ng ikalimang run ng Dolphin sa sacrifice fly naman ni Rommel Roja.
Nagkaroon ng mga pagkakataon ang Dolphins na makaiskor pa pero naroroon at binigo ni Robles ang mga tangkang ito.
“Isang game pa lamang ito may isa pang dapat na mapanalunan kaya hindi pa tapos ang serye,” wika ni Manila team manager Jhoel Palanog.
Napahirapan naman ang Dolphins sa pagkawala ng magkapatid na sina Florentino at Lorenzo Ubungen na bumalik na ng US habang si Joseph Orillana ay pinagpukol lamang ng isang inning at inilabas na dala ng may nararamdaman sa kanyang kaliwang balikat.
Ang Game two ay gagawin sa susunod na Sabado sa nasabi ring venue ganap na ika-1:30 ng hapon.
Ibinangon naman ng napatalsik na kampeon na Batangas ang sarili nang kunin ang ikatlong puwesto sa bisa ng 13-8 panalo sa Alabang Tigers sa unang laro.
- Latest
- Trending