Cebu vs MisOr sa leg 6th finals

MANILA, Philippines - Sinelyuhan ng ML Kwarta Padala-Cebu at Misamis Orien­tal ang puwesto sa finals sa 6th leg ng Tournament of the Phi­lip­pines matapos kumubra ng magkahiwalay na panalo nitong Miyerkules sa New Cebu City Coliseum.

Sinandalan ng Ninos ang ma­tibay na free throw shoo­ting nina Stephen Padilla at War­ren Ybañez sa huling 2:12 ng labanan nang magpasok ng 6 of 6 upang maikasa ang 114-110 habang sa depensa na­man sumandig ang Meteors para sa107-92 panalo sa Taguig.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng dalawang koponan upang maokupahan na ang pu­westo sa finals na gagawin sa Biyernes.

Magkikita muna ang Cebu at MisOr nitong Huwebes upang mapaglabanan ang number one at ang dalawang karagdagang puntos sa sinumang makakakuha ng 3-0 sweep.

Ikalawang sunod na kabi­guan naman ang nalasap ng Mandaue at Taguig pero hindi sila basta-basta sumuko dahil nagbigay sila ng magandang laban.

Si Jan Villaver nga ay gumawa ng kasaysayan sa liga nang makapagtala ng 34 puntos upang tabunan ang 30 na da­ting pinakamataas na ginawa ni Padilla.

 Nagbagsak nga siya ng pitong tres sa siyam na buslo upang katampukan ang career game.

Show comments