MANILA, Philippines - Habang hangad ng Elasto Painters na tapusin ang kanilang serye ng Llamados, asam naman ng Gin Kings na maitulak sa isang ‘do-or-die’ ang kanilang banggaan ng Aces.
Nakaiwas sa isang ‘sweep’, tatangkain ng Barangay Ginebra na maitabla sa 2-2 ang kanilang best-of-five championship series sa krusyal na Game 4 ngayong alas-5 ng hapon sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi, pipilitin naman ng Rain or Shine na wakasan ang kanilang serye ng Derby Ace sa bitbit na 2-1 bentahe.
Buhat sa 0-2 pagkakabaon, rumesbak ang Gin Kings sa Game Three matapos kunin ang malaking 91-87 panalo nitong Miyerkules kung saan umiskor si JC Intal ng game-high 20 points, habang isinalpak naman ni Ronald Tubid ang dalawang freethrows para sa final score.
Aminado si coach Jong Uichico na hindi maganda ang inilalaro nina two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller at Mark Caguioa.
Tinalo ng Alaska ang Ginebra sa Game One, 76-72, at Game Two, 84-82, sa kanilang serye kung saan ang mananalo ang sasagupa sa naghihintay na Talk ‘N text tropang Texters sa best-of-seven semifinals series.
Samantala, para sagipin ang kanilang kampanya sa torneo, napuwersa ang Derby Ace na palitan si import Clif Brown para sa bagong hugot na si Tony Washam sa Game Four ng kanilang quarterfinals showdown ng Rain or Shine.
Si Washam, isang standout mula sa St. Vincent College, ay kumampanya sa Israel Premier League kung saan siya nagposte ng mga averages na 18.7 points at 5.8 rebounds per game.
Kung mabibigo ang Derby Ace sa Game Four, tuluyan nang maitatakda ng Rain or Shine ang kanilang best-of-seven semis series ng nagdedepensang San Miguel.