2nd win hahatawin ng SSC Spikers vs Blazers

MANILA, Philippines - Matapos talunin ang Lyceum sa kanilang opening game, ha­ngad ng San Sebastian Recoletos ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagbangga nila sa St. Benilde, habang ang dalawa pang koponan ang makikita sa unang pagkakataon ngayong araw sa ikalawang con­­ference ng Shakey’s V-Lea­gue Season 7 sa The Arena sa San Juan.

Binuksan ng Lady Stags ang kanilang kampanya ng talunin ang Lady Pirates noong Linggo sa loob lamang ng tatlong sets.

Muling pamumunuan ni Thai reinforcement Jeng Bualee na kumana ng 16 hits sa kanilang unang laro ang opensa ng mga taga-Legarda laban sa Lady Bla­zers na nanggaling sa kanilang unang talo sa kamay ng Lady Bulldogs noong Linggo din.

Upang tulungan si Bualee na makamit ang kanilang pangalawang tagumpay, sasandig din ang San Sebastian sa kanilang isa pang guest player na si Su­zanne Roces at sa kanilang mga mainstays na sina Analyn Benito, Ma. Melissa Mirasol, Elaine Cruz at Jennelyn Belen habang sasandig naman ang St. Benilde kina guest players Zhar Velez at Jen Manzano at kina Giza Yumang, Ren Agero at Cindy Optana.

Samantala, asam naman ng isa pang newcomer na Perpe­tual Help na gayahin ang panalo ng kapwa baguhang National University sa premyadong liga ng volleyball sa bansa sa kani­lang pagharap sa Adamson sa alas 2 ng hapon na laro.

 Pagbibidahan nila guest pla­yers Michelle Datuin at Nica Guliman, babangga ang Lady Altas laban sa Lady Falcons na pinalakas ni dating MVP Nene Bautista at Michelle Laborte ka­sama sila Pau Soriano, Angela Ben­ting, Jampong Quinlog at Sheila Pineda.

Sa main event naman, magsasagupa ang FEU at Lyceum na kapwa asam na makabawi sa kanilang unang talo sa alas-6 ng gabing upakan.

Muli na namang pangungu­nahan nila guest players Rachelle Daquis at Michelle Caro­ lino ang mga taga-Morayta ka­­sama sila Cherry Vivas, Monique Tiangco at Gyzelle Sy ha­bang ang mga taga-Muralla naman ay gagabayan nina Mary Jean Balse at Dhalia Cruz katuwang sila Joy Cases at Jamie Peña .

Show comments