HSINCHUANG CITY - Binigyan ng Smart Gilas Team Pililpinas ng magandang panimula ang ginagawang kampanya sa 32nd William Jones Cup International Basketball Tournament sa Hsinchuang Gymnasium sa pamamagitan ng 83-52 pagdurog sa Taiwan University All Stars kahapon.
Naghatid ng 15 puntos at 14 rebounds ang naturalization candidate Marcus Douthit habang sina Marcius Lassiter ay may 11 at si Japeth Aguilar ay nagdagdag ng 10 kasama ang limang dunks upang katampukan ang pagdodomina ng Pilipinas sa host team.
“We got a good game that should get our confidence up,” wika ng 6’10” na si Douhit na mayroon ding tatlong blocks, isang assist at isang steal sa 26 minutong paglalaro.
Masasabing hindi napahirapan ang pambansang koponan dahil lumayo agad sila sa 20-8 matapos ang unang yugto.
Isa rin sa naging sandata ng koponan ay ang kanilang walang humpay na depensa na kinakitaan ng paghirit ng 19 na steals upang mapagningas ang kanilang transition game.
Smart Gilas 83 - Douthit 15, Lassiter 11, Aguilar 10, Ababou 8, Jazul 7, Baracael 7, Lutz 7, Slaughter 6, Casio 4, Tiu 4, Barroca 2, Ballesteros 2.
TU All Stars 52 - Chou 14, Sung 9, Shih 8, Liu C. 7, Peng 5, Huang 4, Chen 2, Liu YK 2, Wang 1, Lin 0.
Quarterscores: 20-8, 40-23, 62-38, 83-52