MANILA, Philippines - Ayaw tratuhin ni FEU coach Glen Capacio ang kinuhang panalo sa Ateneo bilang kanilang statement game sa 73rd UAAP men’s basketball.
Aniya, wala pang epekto ito sa hangaring makapagdomina ng Tamaraws sa liga dahil may 13 pang laro silang dadaanan kasama ang second round meeting uli nila ng Eagles.
“Hindi ko alam, mahirap sabihin,” wika ni Capacio na ang koponan ay kumawala sa 72-69 panalo nitong Linggo.
“Iba ang Ateneo. Alam ko sa susunod na magkalaban kami, magpe-prepare ‘yan kaya naman di kami satisfied sa game na ito. May 13 games pa kami at dapat doblehin pa namin ang ipinakita namin sa larong ito,” dagdag pa ni Capacio.
May 19 titulo na ang FEU sa UAAP pero huling taon na nagkampeon ang Morayta-based university ay noon pang 2005-06 season.
“Goal talaga namin ay magkampeon sa taong ito. Maganda naman ang line-up namin at ang kailangan lamang ay makuha ang mga adjustments namin lalo na sina JR Cawaling at Aldrech Ramos na nawala sa team ng halos pitong buwan dahil sa Gilas team,” ani pa ni Capacio.
Bukod kina Cawaling at Ramos, ipinagkakatiwala rin ni Capacio ang koponan sa kamador na si sophomore Ryan Roose Garcia na tinapatan ang kanyang season high 25 puntos sa laro nitong Linggo.
“Alam ko na kaya ni RR na dalhin ang team. Alam niya na ang load ng team ay nasa kanya dahil wala na si Mark (Barroca). Happy naman ako dahil suportado siya ng buong team,” dagdag pa ni Capacio. ()