MANILA, Philippines - Kagaya ni Manny Pacquiao, may Presidente ring tumawag kay Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. matapos nitong talunin si Mexican challenger Hernan “Tyson” Marquez nitong Linggo sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Hato Rey, Puerto Rico.
Nang sagutin ng 27-anyos na si Donaire ang telepono, narinig niya sa kabilang linya ang boses ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
“Congratulations Nonito and thank you for making your country proud,” sabi ni Presidente Aquino sa tubong Talibon, Bohol na si Donaire na naging ‘adopted member’ ng kanilang pamilya sapul nang lumisan si dating Pangulong Corazon C. Aquino.
Sa tuwing mananalo si Pacquiao sa kanyang mga laban ay palagi siyang tinatawagan nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Atty. Mike Arroyo para batiin kasunod ang kanyang courtesy call sa Malacañang.
Ang suot ni Donaire na gold trunks na may nakasulat na “Aquino” sa likod sa kanyang eight-round TKO kay Marquez ay kanya na ring itinampok sa “Pinoy Power 2” noong nakaraang taon bilang tribute sa mga Aquino.
Matagumpay na napanatiling hawak ni Donaire ang kanyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title.
Sinabi naman ng promoter ni Donaire na si Bob Arum na pipilitin niyang ayusin ang paghahamon ng dating International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight king sa 31-anyos na si World Boxing Organization (WBO) bantamweight titlist Fernando Montiel (41-2-2, 31 KOs) ng Mexico sa Nobyembre.