Mga bagong mukha at pagsubok, magpapaningning sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Ang pagpasok ng mga bagong manlalaro ang isa lang sa maraming dahilan kung bakit mas magiging kapana-panabik ang paparating na second conference ng Shakey’s V-League Season 7 na magbubukas ng telon sa Linggo sa The Arena sa San Juan.
Kung ang nakalipas na record at ang kasalukuyang line-up ang pagbabasehan, itinuturing na paborito para sa kampeyonato ang San Sebastian, Ateneo, Lyceum at FEU. Ngunit hindi naman maitatanggi na nais din ng St. Benilde, kasama ang mga baguhang Perpetual Help at NU na nais nilang manggulat sa parating na conference.
Sa mga nakaraang season ng premyadong volleyball sa bansa, nakahakot na ito ng mga supporters, lalung-lalo na sa Final Four stage patungo sa championship series.
Ang pagliban ng defending champs UST Tigresses ay nagbigay daan para makalahok ang NU at Perpetual.
Sa mga nagdaang tatlong conference, bagaman dinomina ng mga taga-España belles ang ligang iniisponsoran ng Shakey’s Pizza, tinahak ng mga ito ang mahirap na daan upang mapanatiling buhay ang kanilang winning streak kabilang na ang come-from-behind na tagumpay nila laban sa San Sebastian nitong nagdaang conference.
At dahil na rin sa patuloy na tagumpay ng nangungunang women’s volleyball league sa bansa, sinabi ni Barbie Ocampo, marketing manager ng Shakey’s na patuloy nilang susuportahan ang volleyball sa bansa.
“The company is totally committed to the sport,” saad ni Ocampo, na nagnanais ding magtatag ng kagayang pa-liga para sa mga lalaki. “Given the right time, we will venture into other types of volleyball, like beach volleyball or men’s volleyball.”
- Latest
- Trending