RP Davis Cuppers may misyon sa Taipei
MANILA, Philippines - Unahan sa mahalagang 2-0 kalamangan ang pag-aagawan ng bisitang Pilipinas at host Chinese Taipei sa pagsisimula ng Asia Oceania Zone Group I first round Playoff ngayon sa Yang Ming Tennis Center sa Kaohsuing.
Si number two Fil-Am netter Trett Huey ang siyang mabibigyan ng pagkakataon na simulan ng maganda ang kampanya ng Pilipinas sa pagharap nito sa Taiwanese number one player Yang Tsung-hua sa opening singles.
Susunod naman ang number one netter ng bansa at ninombrang team captain Cecil Mamiit na makikipagtuos sa number two player ng Taiwan Chen Ti.
Bukas naman ay gagawin ang doubles match at nominado sa bansa sina Johnny Arcilla at ang bagong pasok na Fil-Am Ruben Gonzales laban kina Yang at Yi Chu-huan.
Kung kailangan, ang reversed singles naman ay lalaruin sa Linggo at unang sasalang si Mamiit laban kay Yang at si Huey kontra kay Ti.
Nalagay sa Playoff ang Pilipinas at Chinese Taipei nang lumasap sila ng parehong 5-0 pagkakadurog sa kamay ng Japan at Australia sa pagsisimula ng Davis Cup Asia Oceania Zone Group I tie noong Marso 5 hanggang 7.
Ang mananalo rito ay mananatili sa Group I sa 2011 habang ang matatalo ay malalaglag sa second round Playoff para manatili sa group.
Ang larong ito ay itinakda sa Setyembre 17 hanggang 19 at ang makakalaban ng talunan sa Pilipinas at Chinese Taipei ay ang matatalo naman sa pagitan ng Uzbekistan at Korea.
- Latest
- Trending