MANILA, Philippines - Babanderahan nina Filipino cue masters Dennis “Robocop” Orcollo, Ronato “Volcano” Alcano, Antonio “Nickoy” Lining, at Lee Vann “The Slayer” Corteza ang ang bansa para sa 2010 Guinness World Series 9-ball Championships na nakatakda sa Hulyo 28 hanggang August 1 sa Jakarta, Indonesia.
Nagmula ang Bislig, Surigao del Sur native na si Orcollo sa paghahari sa 2010 Partypoker.net World Pool Masters noong Mayo 12-16 sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
“Babawi ako sa Guinness sa Jakarta medyo minalas tayo sa World Pool sa Doha,” wika ng Quezon City most outstanding athlete na dumating kahapon galing sa Doha, Qatar.
Natalo naman si Alcano kay runner-up Taiwanese Kuo Po-cheng, 5-11, sa quarterfinal round ng katatapos na 2010 World Pool Championships sa Doha, Qatar.
Nasibak rin sa naturang torneo ang Calapan, Oriental Mindoro ace na si Lining sa bagong World Pool champion na si Francisco “Django” Bustamante, 5-11, sa semifinal round.
“Kinapos tayo sa Doha baka dito sa Guinness sa Jakarta makuha na natin ang titulo,” sabi ng Davao City bet na si Lining. “Reresbak ako dito sa Guinness sa Jakarta, inalat tayo sa Doha. Pero Masaya na din po tayo kasi Filipino pa din ang nag champion,”
Makakasama nina Orcollo, Alcano, Lining at Corteza sa 2010 Guinness World Series 9-ball Championships sina Alex Pagulayan, Roberto Gomez, Jundel Mazon, Ricky Zerna at Carlo Biado.
Ilan sa mga lalaro sa main draw ay sina Mika Immonen ng Finland, Ralf Souquet ng Germany, Ricky Yang ng Indonesia, Thorsten Hohmann ng Germany, Darren Appleton, Shane Van Boening at Johnny Archer ng USA.